--Ads--

Kinumpirma ng Office of the Solicitor General (OSG) na magsusumite ito ng komento sa Korte Suprema kaugnay ng petisyong inihain ng kampo ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na kumukwestyon sa warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court (ICC).

Batay sa direktiba ng Korte Suprema, binigyan ang Ehekutibong sangay ng pamahalaan ng 72 oras mula nang mailathala sa eCourt PH at opisyal na website ng hukuman ang resolusyon upang isumite ang kanilang tugon sa naturang kaso.

Dahil dito, inaasahang maihahain ng OSG ang kanilang komento bago sumapit ang itinakdang deadline ngayong Sabado, Mayo 16, alas-6:44 ng gabi.

Paliwanag ng OSG, bilang pangunahing legal counsel ng pamahalaan, tungkulin nilang katawanin at ipagtanggol ang estado sa lahat ng usaping legal, kabilang ang mga petisyong iniharap ng senador sa Korte Suprema.

--Ads--

Kabilang sa mga respondent sa nasabing petisyon ang Office of the Executive Secretary, Department of Justice (DOJ), at Department of the Interior and Local Government (DILG).

Matatandaang naghain ang kampo ni Dela Rosa ng petisyon para sa temporary restraining order (TRO) upang mapigilan ang implementasyon ng ICC arrest warrant laban sa senador, subalit hindi ito pinaboran ng Korte Suprema.