--Ads--

Inilantad ng prosecution panel ang umano’y P2.6 bilyong confidential expenses ng Davao City noong alkalde pa si Vice President Sara Duterte mula 2016 hanggang 2022.

Sa impeachment trial, ipinakita ni Atty. Amando Virgil Ligutan kay hostile witness at dating OVP Special Disbursing Officer Gina Acosta ang infographic batay sa records ng Commission on Audit.

Batay sa datos, umabot sa P144 milyon noong 2016, P294 milyon noong 2017, P420 milyon noong 2018, at P460 milyon kada taon mula 2019 hanggang 2022 ang confidential expenses ng Davao City.

Sinabi ni Ligutan na umaabot sa P1.84 bilyon ang P460 milyon kada taon sa loob ng apat na taon.

--Ads--

Si Acosta umano ang namahala sa confidential funds ni Duterte noong alkalde pa ito at nang maging SDO ng OVP.

Gayunman, sinabi ni Acosta na wala na siyang matandaan tungkol sa naturang halaga.

Binigyang-diin naman ni Ligutan na mas malaki pa umano ang confidential expenses noong alkalde si Duterte kumpara sa P612.5 milyong confidential funds na hawak ng OVP at Department of Education noong 2022 hanggang 2023.