Iniutos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang paglalabas ng kabuuang P321 milyong pondo para sa 34 na lalawigan at walong lungsod na sinalanta ng Bagyong Basyang at ng shear line.
Ang direktiba ay ipinadala kay Executive Secretary Ralph G. Recto, na tiniyak ang mabilis na pagpapalabas ng pinansyal na tulong sa mga apektadong lokal na pamahalaan (LGU).
Ayon sa Pangulo, ang mga nagdaang sama ng panahon ay nagdulot ng malawakang paglikas, pagkamatay ng hindi bababa sa 12 katao ayon sa Office of Civil Defense, at matinding pinsala sa mga imprastraktura.
Sinabi ni Recto na gagamitin ang pondo para sa rehabilitasyon ng mga nasirang istraktura at pagtulong sa mga residenteng nawalan ng tirahan.
Bahagi ito ng inisyatibo ng Pangulo upang mapabilis ang pagbangon ng mga komunidad mula sa kalamidad.
Kabilang sa mga makatatanggap ng tulong ang mga lalawigan mula sa Mindanao kinabibilangan ng Surigao del Sur, Surigao del Norte, Dinagat Islands, Agusan del Norte, Agusan del Sur, Misamis Oriental, Misamis Occidental, Lanao del Norte, Davao de Oro, Davao del Norte, Bukidnon, Camiguin, at Zamboanga del Norte.
Sa Visayas, Negros Oriental, Negros Occidental, Bohol, Capiz, Aklan, Leyte, Cebu, Iloilo, Eastern Samar, Southern Leyte, Antique, Siquijor, Samar, at Northern Samar.
Sa Luzon, Catanduanes, Camarines Sur, Sorsogon, Masbate, Camarines Norte, Occidental Mindoro, at Oriental Mindoro.
Ang walong lungsod naman na tatanggap ng ayuda ay ang Iligan, Cagayan de Oro, Bacolod, Butuan, Cebu City, Zamboanga City, Iloilo City, at Mandaue City.
Bukod sa pondo, ipinag-utos din ni PBBM ang malawakang river clearing operations at mga hakbang sa flood mitigation upang maiwasan ang muling pagbaha sa hinaharap.
Kasabay nito, pinangunahan din ng Pangulo ang paglagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Department of Education at mga provincial LGU para sa malawakang classroom building program sa buong bansa.








