--Ads--

Nakatakdang simulan ng House of Representatives sa susunod na linggo ang pagtalakay sa panukalang P7.2 trilyon national budget para sa taong 2027.

Ayon kay House Appropriations Committee Chairperson Rep. Mikaela Angela Suansing, magsisimula ang budget hearings sa Agosto 17 at tatagal hanggang Oktubre 9 bago ang break ng Kongreso para sa Undas.

Sinabi rin ni Suansing na sasailalim sa masusing pagsusuri ang panukalang pondo, na tinawag niyang “people’s budget,” sa pamamagitan ng pakikipagdayalogo sa mga non-government organizations at iba pang stakeholders upang mas maging bukas at malinaw ang proseso ng pagbusisi sa budget.

Samantala, tiniyak ni House Speaker Bojie Dy na mananatili ang mga safeguard measures na ipinatupad noong 2025 upang maiwasan ang mga umano’y kuwestiyonableng budget insertions.

--Ads--

Kabilang sa mga hakbang na ito ang Budget Amendments and Review Subcommittee at ang live-streaming ng mga bicameral conference meetings upang masiguro ang transparency sa pagtalakay ng pambansang pondo.

Noong Agosto 11, pormal nang isinumite ng Department of Budget and Management (DBM) sa Kamara ang 2027 National Expenditure Program (NEP), na nagsisilbing panukalang budget ng administrasyong Marcos.