Inanunsyo ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang P85 na dagdag-sahod para sa mga minimum wage earners sa National Capital Region (NCR), na inaasahang makikinabang ang humigit-kumulang 1.1 milyong manggagawa sa Metro Manila.
Sa pahayag nitong Martes, Hunyo 30, sinabi ni DOLE Secretary Francis Tolentino na ipinatutupad ang umento bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na itaas ang sahod ng mga manggagawa.
Ayon sa kalihim, ang kabuuang P85 na dagdag-sahod ay ipatutupad sa dalawang bahagi. Una, P60 na umento simula Hulyo 19, 2026, at karagdagang P25 naman sa Enero 2027.
“Pinakamataas po ang ₱85 bawat araw sa pribadong sektor, ang pagtaas po ay ibibigay sa dalawang hulog,” ani Tolentino.
Matatandaang ang kasalukuyang minimum wage sa NCR ay nasa P695 kada araw.
Pinaalalahanan din ng DOLE ang mga employer na sumunod sa bagong wage order at tiniyak na magsasagawa ang ahensya, sa pamamagitan ng National Wages and Productivity Commission at regional wage boards, ng information campaigns upang matiyak ang compliance at maiwasan ang wage distortions.
Sinabi rin ng DOLE na patuloy ang pagsusuri at konsultasyon ng iba pang regional wage boards bilang tugon sa direktiba ng Pangulo na simulan ang pag-aaral sa sahod 60 araw bago ang anniversary ng mga umiiral na wage orders.











