Uminit ang ulo ni Senador Robinhood “Robin” Padilla sa matagal nang pagkaantala ng Water Sensitive Urban Tollway component ng North Luzon East Expressway (NLEE), isang proyektong iginawad sa Ausphil Tollways Corporation noong 2007.
Sa pagtalakay sa panukalang 2027 national budget, kinuwestiyon ni Padilla kung bakit hindi pa rin naipatutupad ang proyekto sa kabila ng Public-Private Partnership (PPP) scheme nito, na aniya ay hindi nangangailangan ng direktang gastusin mula sa pamahalaan.
Ayon naman sa budget sponsor na si Senador JV Ejercito, may mga legal na usapin at kinakailangan pang kumpletuhin ang ilang dokumento bago maisulong ang proyekto.
Lalong nag-init ang ulo ni Padilla matapos niyang ibunyag ang umano’y P100 milyong hinihinging halaga upang maaprubahan ang proyekto.
Dahil dito, naghain ng mosyon si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri upang ipaubaya sa Senate Blue Ribbon Committee ang imbestigasyon sa pagkaantala ng proyekto at sa alegasyon ng umano’y P100 milyong hinihinging halaga.
Inaasahang makatutulong ang humigit-kumulang 100-kilometrong NLEE sa pagpapabuti ng transportasyon at pagtugon sa problema ng pagbaha sa ilang bahagi ng Central Luzon.






