Nananatiling kontrolado ng mga magsasaka sa Santiago City, Isabela ang pananalasa ng brown planthopper, isang uri ng insekto na kilala sa pagsira ng mga pananim na palay, sa pamamagitan ng agarang paggamit ng pesticide sa kanilang mga palayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Marilou Aggrave, magsasaka, sinabi niyang maayos pa rin ang kalagayan ng kanilang mga pananim sa kabila ng pagkalat ng ulmog sa ilang bahagi ng lalawigan. Ayon sa kanya, agad silang nagsagawa ng pag-iispray ng pesticide nang mapansin ang pagdami ng mga insekto sa kanilang mga palayan.
Ipinaliwanag niya na malaking tulong ang maagap na paglalagay ng pesticide upang mapigilan ang mabilis na pagdami ng brown planthopper, na maaaring magdulot ng “hopper burn”, isang kondisyon kung saan natutuyo at namamatay ang mga tanim dahil sa pagsipsip ng katas ng halaman ng mga insekto.
Dagdag pa ng mga magsasaka, patuloy nilang minomonitor ang kanilang mga pananim upang maagapan ang anumang pagdami ng peste. Nakikipag-ugnayan din sila sa mga agricultural technician ng lokal na pamahalaan upang matiyak na tama ang uri at dami ng pesticide na ginagamit.
Ayon sa mga eksperto, ang brown planthopper ay isa sa pangunahing peste sa palay na maaaring magdulot ng malaking pinsala sa ani kung hindi agad makokontrol. Dahil dito, hinihikayat ang mga magsasaka na magsagawa ng regular na inspeksyon sa kanilang mga palayan at agad na magsagawa ng pest control measures upang maprotektahan ang kanilang ani.
Sa kasalukuyan, nananatiling maayos ang kalagayan ng karamihan sa mga palayan sa Santiago City, at umaasa ang mga magsasaka na mananatiling kontrolado ang sitwasyon upang hindi maapektuhan ang produksyon ng palay sa lugar.






