--Ads--

Nakikipag-ugnayan na ang Department of Health (DOH) sa World Health Organization (WHO) kaugnay ng ulat na may 38 Pilipino na kabilang sa mga crew ng cruise ship na MV Hondius na naapektuhan ng hinihinalang hantavirus outbreak.

Ayon sa DOH, wala pang naitatalang sakit sa mga crew batay sa impormasyon ng WHO sa ilalim ng International Health Regulations. Patuloy din ang koordinasyon ng ahensya sa iba’t ibang government agencies habang minomonitor ang sitwasyon.

Nilinaw ng DOH na walang agarang banta sa Pilipinas dahil naka-quarantine ang mga tripulante sa barko na kasalukuyang nakadaong sa labas ng Cape Verde sa Atlantic Ocean. Ang repatriation ng mga crew ay responsibilidad umano ng operator ng cruise ship.

Ayon sa WHO, may dalawang kumpirmadong kaso at limang hinihinalang kaso ng hantavirus sa barko, kung saan tatlo na ang nasawi habang isa ang nasa kritikal na kondisyon.

--Ads--

Sinabi rin ng WHO na posibleng may human-to-human transmission sa loob ng barko, ngunit nananatiling mababa ang panganib nito sa pandaigdigang populasyon.

Ang hantavirus ay isang bihirang impeksiyon na maaaring makuha mula sa ihi o dumi ng mga daga at nagdudulot ng sintomas na kahawig ng flu, dengue, at leptospirosis.