Ipinaliwanag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng mga pag-ulan na may kasamang yelo o hail at maging ng mga buhawi sa panahon ng malalakas na thunderstorm.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ramil Tuppil, Chief Meteorologist ng PAGASA DOST – Echague, Isabela, sinabi nito na ang hail o mga tipak ng yelo ay nabubuo sa loob ng makakapal na cumulonimbus clouds na karaniwang nagdudulot ng thunderstorms.
Ayon kay Tuppil, ang mga ulap na ito ay may matinding vertical development na maaaring umabot ng hanggang 13 kilometro mula sa lupa. Sa loob ng mga ulap ay nagkakaroon ng malalakas na updraft o pag-akyat ng hangin na nagtutulak sa mga ice crystals patungo sa mas mataas at mas malamig na bahagi ng atmosphere.
Dahil dito, nagdidikit-dikit ang mga ice crystals at unti-unting lumalaki hanggang sa maging mabigat at bumagsak patungo sa lupa bilang hail. Gayunman, paliwanag niya, lumiliit ang mga ito habang bumababa dahil sa mas mainit na temperatura sa mababang bahagi ng kalawakan.
Sinabi rin ni Tuppil na mas malalaki ang hail na nararanasan sa mga bansang malapit sa temperate zones gaya ng Estados Unidos kung saan maaari itong umabot sa laki ng baseball at magdulot ng pinsala o pagkasugat ng mga tao.
Samantala, binigyang-diin ng meteorologist na ang malalaking cumulonimbus clouds o tinatawag na supercell thunderstorms ay maaari ring pagmulan ng mga buhawi o tornado.
Aniya, kadalasang hindi napapansin ang pagbuo ng tornado lalo na kung nasa ilalim na mismo ng thunderstorm ang isang lugar. Gayunman, sa mga malalayong lugar ay mas madaling makita ang pagbuo ng funnel cloud o ang paikot-ikot na hugis ng buhawi.
Ayon pa kay Tuppil, maaaring umabot sa mahigit 300 kilometro kada oras ang lakas ng hangin ng malalakas na tornado na sapat upang makapinsala ng mga bahay, makabunot ng mga puno at makatangay ng mga bagay na madaanan nito.
Dahil dito, pinaalalahanan niya ang publiko na agad lumayo at huwag tangkaing lapitan ang isang buhawi sakaling mamataan ito upang maiwasan ang panganib na dulot ng malalakas na hangin at mga lumilipad na debris.











