Nagbabala ang DOST-PAGASA na posibleng lumakas pa ang kasalukuyang strong El Niño at maging very strong sa pagitan ng Setyembre at Disyembre 2026, bago magpatuloy hanggang 1st half ng 2027.
Ayon sa PAGASA, maaaring magdulot ito ng mas mataas na temperatura at mas kaunting ulan sa malaking bahagi ng bansa, na magpapataas sa panganib ng dry spells at drought.
Posibleng maapektuhan ang agrikultura, suplay ng tubig, produksyon ng enerhiya, kalusugan at iba pang sektor ng ekonomiya.
Gayunman, hindi nangangahulugang tuluyang mawawala ang malalakas na pag-ulan dahil maaari pa ring magdala ng localized above-normal rainfall ang habagat at mga tropical cyclone, partikular sa kanlurang bahagi ng bansa.
Hinimok ni DOST Secretary Renato Solidum Jr. ang mga lokal na pamahalaan at climate-sensitive sectors na agad magsagawa ng mga hakbang batay sa datos, kabilang ang maagang paghahanda sa farming schedules, komunidad, imprastraktura at essential services.
Samantala, sinabi ni PAGASA Administrator Dr. Nathaniel V. Servando na patuloy nilang babantayan ang El Niño at maglalabas ng regular na abiso habang nagbabago ang sitwasyon.
Hinimok din ang mga ahensya ng gobyerno, apektadong sektor at publiko na ipatupad agad ang water conservation at iba pang mitigation measures bilang paghahanda sa inaasahang pagpapatuloy ng very strong El Niño hanggang 2027.











