Isinusulong ng Sangguniang Panlungsod ng Cauayan City ang pag-amyenda sa isang ordinansa na magbabawal sa paglalagay ng mga talipapa sa loob ng tatlong kilometrong radius mula sa pamilihan bilang bahagi ng hakbang upang maisaayos ang kalakalan sa lungsod.
Ayon kay City Councilor Bagnos Maximo, kasabay ng panukala ang paghahanap ng angkop na relokasyon para sa mga maaapektuhang vendor.
Isa sa mga pangunahing opsyon na isinasaalang-alang ay ang paglalaan ng mga puwesto sa loob ng pampublikong palengke upang matiyak ang pagpapatuloy ng kanilang kabuhayan.
Aniya, layunin ng panukala na maikonsentra sa pampublikong pamilihan ang bentahan ng wet at dry goods at maiwasan ang pagdami ng mga talipapa at pagtitinda sa harap ng mga kabahayan.
Gayunman, sinabi ng konsehal na sasailalim pa sa masusing pagsusuri ang kapasidad ng pampublikong palengke upang matukoy kung sapat ang espasyo para sa mga vendor na maaaring mailipat.
Posible rin aniyang magkaroon ng mga pagbabago sa kasalukuyang alokasyon ng mga puwesto bilang bahagi ng ipinanukalang mga amyenda.
Patuloy na pinag-aaralan ng Sangguniang Panlungsod ang panukala bago ito sumailalim sa pinal na pagtalakay at pag-apruba.











