Bahagyang nagdulot ng kalituhan sa pagdinig ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte ang naging pagtatanong ni Senator-Judge Robin Padilla hinggil sa pagkakakilanlan ng indibidwal na nagrekord sa video ng bise presidente.
Sa gitna ng pagdinig, hiniling ni Padilla na makuha ang testimonya ng taong nasa likod ng pagkuha ng naturang video upang masuri at mapatunayan ang pagiging lehitimo at kredibilidad ng video na iniharap bilang ebidensya.
Dahil dito, nagkaroon ng kalituhan sa panig ng testigong si Mark Calilung ng National Bureau of Investigation.
Lumalabas kasi na si Calilung ang nagsagawa ng screen recording ng video gamit ang isang application bilang bahagi ng imbestigasyon ng NBI.
Gayunman, nilinaw sa pagdinig na hindi ang nag-screen record ang tinutukoy ni Padilla, kundi ang mismong taong kumuha o nag-film sa orihinal na video ni Duterte upang matiyak ang kredibilidad at pagiging katanggap-tanggap ng naturang ebidensya.










