--Ads--

Ipinaliwanag ng isang abogado ang pagkakaiba ng Temporary Restraining Order (TRO) at Status Quo Ante Order matapos tanggihan ng Korte Suprema ang kahilingan ni Senador Bato dela Rosa kaugnay ng pagpapatupad ng warrant of arrest laban sa kanya mula sa International Criminal Court (ICC).

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Christian Gonzales, sinabi nito na ang TRO ay isang pansamantalang utos na naglalayong pigilan ang pamahalaan sa pagpapatupad ng warrant of arrest habang dinidinig pa ang kaso.

Samantala, ang status quo ante order naman ay isang kautusan na naglalayong ibalik sa dating sitwasyon ang mga partido bago pa man mangyari ang isang kontrobersyal na aksyon, gaya ng banta ng pag-aresto.

Ayon kay Gonzales, dahil sa pagbasura ng Korte Suprema sa mga kahilingang ito, walang pansamantalang proteksyon na naibigay upang mapigilan ang posibleng pag-aresto kay Dela Rosa.

--Ads--

Gayunman, nilinaw ng abogado na hindi pa ito nangangahulugang nagpasya na ang Korte Suprema kung tama o mali ang pagpapatupad ng ICC warrant sa Pilipinas.

Dagdag pa niya, may natitira pang legal na remedyo si Dela Rosa dahil maaari pa itong maghain ng motion for reconsideration upang hilinging baligtarin ang naunang desisyon ng korte.