Itinakda sa Hunyo 1, 2027 ang paglilitis sa Estados Unidos laban sa napatalsik na dating Pangulo ng Venezuela na si Nicolas Maduro at sa kanyang asawang si Cilia Flores kaugnay ng mga kasong may kinalaman sa drug trafficking.
Inihayag ito ng isang hukom sa Manhattan, New York matapos ang pagdinig noong Miyerkules kung saan muling humarap sa korte si Maduro, 63-anyos, na nahaharap sa mga kasong narcoterrorism conspiracy at cocaine importation conspiracy.
Kapwa itinanggi nina Maduro at Flores ang mga paratang laban sa kanila at naghain ng not guilty plea.
Naaresto ang mag-asawa noong Enero 3 matapos ang isang operasyong militar sa Caracas na iniutos ni U.S. President Donald Trump. Dinala sila sa New York kung saan nakabinbin ang mga kasong isinampa laban sa kanila.
Ayon sa depensa, hihilingin nilang ibasura ang kaso sa pagsasabing dapat magkaroon ng immunity si Maduro bilang pinuno ng isang soberanong estado. Nakatakda naman sa Nobyembre 17 ang pagdinig para sa mga mosyong may kaugnayan sa naturang kahilingan.
Kung mapatutunayang nagkasala, maaari umanong maharap si Maduro sa habambuhay na pagkakakulong.







