--Ads--

Nilinaw ng Regional Explosive Ordnance Disposal and Canine Unit 2 (EOD K9 Unit 2) na hindi Improvised Explosive Device (IED) ang sumabog sa Barangay Payac, Jones, Isabela na ikinasawi ng isang magsasaka.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Elias Mangoma ng EOD K9 Unit 2, sinabi niya na ang sumabog ay ang tinatawag na “bumbong” na ginagamit sa ilegal na pangingisda.

Ayon sa kanya, inihahanda umano ng biktima ang naturang pampasabog nang magkaroon ito ng premature detonation na nagresulta sa pagsabog.

Sa ngayon, wala pang inilalabas na resulta ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) kaugnay sa mga debris na narekober sa pinangyarihan ng insidente.

--Ads--

Ipinaliwanag din ni PCapt. Mangoma ang kaibahan ng IED at bumbong na ginagamit sa ilegal na pangingisda.

Aniya, ang IED ay isang improvised na pampasabog na maaaring gumamit ng iba’t ibang explosive materials at karaniwang idinisenyo upang makapanakit o makapatay ng tao, samantalang ang bumbong ay isang pampasabog na ginagamit sa ilegal na pangingisda upang ma-stun o mapatay ang mga isda.

Bagama’t isang malungkot na insidente ang nangyari, iginiit ni PCapt. Mangoma na magsilbi itong paalala sa publiko na maging maingat sa paghawak ng anumang uri ng pampasabog at iwasang gamitin o galawin ang mga ito kung walang sapat na kaalaman.