Aminado ang Bureau of Fire Protection (BFP) sa Lungsod ng Cauayan na may epekto sa kanilang operasyon ang patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, partikular sa isinasagawa nilang fire inspection sa mga establisyemento sa lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay FCInsp. Roger Esteban, ang bagong talagang City Fire Marshal ng Cauayan City, isa sa mga nakikita nilang hamon sa kasalukuyan ay ang pagtaas ng presyo ng diesel lalo na’t regular silang nagsasagawa ng fire inspection sa iba’t ibang establisyemento.
Ipinaliwanag ni Esteban na mabilis maubos ang battery life ng kanilang mga body-worn cameras kaya kinakailangan pa nilang bumalik sa kanilang himpilan upang ito ay muling ma-recharge. Dahil dito, napipilitan silang magpabalik-balik sa kanilang istasyon habang nagsasagawa ng inspeksyon.
Dagdag pa niya, hindi rin ganoon kalalapit sa isa’t isa ang mga establisyemento sa lungsod na kanilang iniinspeksyon kaya mas tumataas ang konsumo nila sa diesel sa tuwing sila ay bumibiyahe.
Dahil dito, aminado ang opisyal na isa ito sa mga nakikitang dahilan kung bakit nagkakaroon ng bahagyang pagkaantala sa kanilang fire inspection operations.
Gayunpaman, tiniyak ni Esteban sa publiko na sa kabila ng mga hamong kinakaharap ay magpapatuloy pa rin ang kanilang isinasagawang inspeksyon upang matiyak ang kaligtasan ng mga establisyemento at ng publiko laban sa posibleng sunog.










