Muling ipafollow-up ng Philippine government sa France ang kahilingan para sa pag-isyu ng Interpol Red Notice laban kay dating party-list lawmaker Zaldy Co.
Ayon kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, personal niyang susundan ang usapin sa Interpol habang nasa Lyon, France.
Sinabi ni Remulla na makikipagtulungan siya sa Interpol, habang magsasagawa naman ng diplomatic efforts si Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla upang matulungan ang mga awtoridad na mahanap at mapauwi sa bansa si Co.
Ang Red Notice ay kahilingan ng Interpol sa mga law enforcement authorities sa iba’t ibang bansa na hanapin at pansamantalang arestuhin ang isang wanted na indibidwal habang hinihintay ang extradition o iba pang legal na proseso.
Nais ng Philippine government na maaresto si Co kaugnay ng kasong plunder na isinampa ng Ombudsman na may kinalaman sa umano’y anomalya sa mga flood control project.
Noong Lunes, naglabas ang Sandiganbayan Third Division ng warrant of arrest laban kina Co, dating House Speaker Martin Romualdez at dalawa pa nilang co-accused sa naturang kaso.
Noong Abril, nahuli si Co sa isang immigration detention facility sa Prague matapos umanong ma-classify bilang undocumented foreign national, ngunit kalaunan ay nakalaya.
Noong Mayo naman, iniulat na nananatili si Co sa isang bahay sa bahagi ng Champs-Élysées sa Paris.











