Nakarating na ngayong araw ang mga Accountable Forms sa Lalawigan ng Isabela na kinabibilangan ng mga Official Ballots at Indelible Inks na gagamitin para sa halalan sa Mayo 12.
Agad naman itong ipinamahagi sa mga lahat ng munisipalidad at lungsod sa Isabela kabilang na ang Santiago City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Isabela Provincial Treasurer Ma. Theresa Araneta-Flores, sinabi niya ang mga ito ay i-e-escort ng mga kapulisan habang ibinabiyahe sa iba’t ibang mga Local Government Units.
Sa oras na maipasakamay na sa mga LGUs ang mga accountable forms ay maililipat na sa mga Municipal at City Treasurers ang pangangalaga sa mga ito hanggang sa araw ng halalan.
Umaasa naman siya na walang maging aberya o problema sa pagdating ng mga election paraphernalia upang matiyak na all set na ang lahat bago ang araw ng eleksyon.
Samantala, maliit lamang ang bilang ng mga nakiisa sa local absentee voting sa lalawigan ng Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Manuel Castillo Jr., Provincial Election Supervisor IV ng Isabela, sinabi niya na ngayong huling araw ng absentee voting ay iilan lamang na mga miyembro ng media at uniformed personnel ang nakiisa rito.
Ang local absentee voting na nagsimula nitong Lunes, April 28 ay layuning mabigyan ng pagkakataon na makaboto ang mga indibidwal na mayroong mahalagang gampanin sa mismong araw ng halalan.