Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na planado ng dalawang menor de edad na suspek ang isinagawang pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong katao at ikinasugat ng 20 iba pa.
Ayon sa PNP, bago pa man makapasok sa loob ng paaralan ay nagpaputok na umano ang mga suspek mula sa mga bintana. Isa sa kanila ay may dalang 9mm pistol na may dalawang magazine, habang ang isa ay gumamit ng .38 revolver.
Lumalabas din sa imbestigasyon na ginamit sa pamamaril ang baril ng tiyahin ng isa sa mga suspek na isang pulis sa Eastern Visayas, na ngayon ay iniimbestigahan din dahil sa umano’y paglabag sa gun security protocols.
Ayon sa PNP, may mga nakitang video ng karahasan sa social media ng isa sa mga suspek, at tinutukoy rin kung may kaugnayan ito sa insidente, pati na ang ulat na maaaring naturuan siya sa paggamit ng baril ng kanyang tiyahin.
Iniutos ng PNP ang masusing imbestigasyon at pagsusuri sa seguridad sa mga paaralan, kabilang ang pagpapalakas ng access control at entry procedures.
Patuloy ding inaalam ng mga awtoridad ang motibo ng pamamaril, kabilang ang anggulo ng bullying na hindi pa kinukumpirma.











