--Ads--

Nasawi ang pamangkin ng alkalde ng Shariff Aguak habang sugatan naman ang kapatid nito matapos tambangan ang kanilang sasakyan nitong tanghali ng Martes, Pebrero 17, sa bahagi ng national highway ng Datu Unsay, Maguindanao del Sur.

Kinilala ang nasawi na si Datu Gara Ampatuan, pamangkin ni Mayor Mitra Ampatuan. Sugatan naman ang nakababatang kapatid ng alkalde na si Datu Mama Ampatuan.

Batay sa impormasyon mula kay Anwar Emblawa, Secretary to the Mayor ng Shariff Aguak, sakay ang mga biktima ng kulay itim na Nissan Livina at galing umano sa Cotabato City. Pauwi na sana ang mga ito sa Shariff Aguak nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek.

Sa kabila ng insidente, nagawa pang maimaneho ng mga biktima ang kanilang sasakyan patungo sa kalapit na bayan ng Datu Saudi Ampatuan upang makaiwas sa mga salarin at makahingi ng tulong.

--Ads--

Agad namang nagsagawa ng follow-up investigation ang Philippine National Police (PNP) upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at ang motibo sa pananambang.

Patuloy ang panawagan ng mga awtoridad sa sinumang may impormasyon na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya.