Nanawagan ang World Health Organization (WHO) sa agarang ceasefire sa silangang bahagi ng Democratic Republic of the Congo upang mapigilan ang patuloy na pagkalat ng Ebola.
Ayon sa WHO, ang nagpapatuloy na labanan sa lugar ay nagdudulot ng malawakang paglikas ng mga residente at pagsisiksikan sa mga evacuation camp, na lalong nagpapabilis sa hawaan ng sakit.
Idineklara kamakailan ng WHO bilang emergency of international concern ang pagkalat ng Bundibugyo strain ng Ebola, isang uri na wala pang aprubadong bakuna o lunas. Ayon sa ulat, patuloy na tumataas ang bilang ng mga kaso sa mga apektadong lugar.
Ayon sa datos, mahigit 900 na ang pinaghihinalaang kaso at higit 200 na ang pinaghihinalaang namatay sa tatlong probinsya sa silangang Congo, kabilang ang North Kivu at South Kivu na kontrolado ng iba’t ibang rebeldeng grupo.
Nagbabala rin ang mga humanitarian organization na kabilang sa mga nasawi ay mga bata, na umaabot sa humigit-kumulang 1/4 ng kabuuang bilang ng kumpirmadong pagkamatay. Dahil dito, nananawagan sila ng mas pinalakas na mga hakbang sa pag-iwas at pagkontrol sa impeksiyon.
Patuloy naman ang mga sagupaan sa rehiyon sa kabila ng mga pagsisikap ng ilang bansa, kabilang ang Estados Unidos, na mamagitan sa kapayapaan. Dahil dito, milyon-milyong tao ang nawalan ng tirahan at nananatiling lumikas.
Ayon sa mga ulat, umaabot na sa higit doble ng kapasidad ang mga transit at reception site sa karatig na bansa na Uganda, partikular sa West Nile region.Sa kabila ng pagdating ng tulong mula sa iba’t ibang aid groups at donor countries na umabot na sa tinatayang 500 milyong dolyar, hindi pa rin naipapamahagi ang buong pondo, habang patuloy na nahihirapan ang mga medical team dahil sa kawalan ng tiwala ng ilang komunidad at mga insidente ng pag-atake sa mga health workers.










