--Ads--

Aabot sa P2.7 trilyon ang ilalaan ng pamahalaan para sa pagbabayad ng principal at interes ng mga utang nito sa 2027, ayon sa naging pagdinig ng House Committee on Appropriations.

Sinabi ni Gabriela Party-list Rep. Sarah Jane Elago na batay sa presentasyon ng Department of Finance (DOF), mangungutang pa ang pamahalaan ng P3.304 trilyon upang punan ang kakulangan sa panukalang P7.2-trilyong pambansang badyet para sa susunod na taon.

Ayon kay Elago, nakalaan ang P1.1 trilyon para sa interest payments habang P1.6 trilyon naman ang ilalaan para sa principal amortization ng mga utang ng bansa.

Binigyang-diin ng mambabatas na ang kabuuang P2.7 trilyong debt service expenditure ay mas mataas pa umano kaysa sa pondong inilalaan sa maraming mahahalagang sektor at serbisyo para sa mamamayan.

--Ads--

Sinabi rin niya na umabot na sa P19.1 trilyon ang kabuuang utang ng Pilipinas, katumbas ng halos 64.9 % ng gross domestic product o kabuuang halaga ng mga produkto at serbisyong nalilikha ng bansa.

Ayon pa kay Elago, dahil sa laki ng utang ng bansa, tinatayang may katumbas na P166,077 na utang ang bawat Pilipino, kabilang ang mga susunod pang henerasyon.

Iginiit ng mambabatas na mahalagang matutukan ng Kongreso at publiko ang lumalaking pambansang utang habang tinatalakay ang panukalang pambansang badyet para sa 2027.