--Ads--

Inihayag ng isang Constitutional Law expert na magpapatuloy ang panggigipit ng China sa Pilipinas hangga’t hindi napapalakas ng bansa ang kakayahan nitong ipagtanggol ang soberanya at mga karapatan nito sa West Philippine Sea.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Constitutional Law expert Atty. Michael Henry Yusingco, sinabi nito na hindi inaasahang titigil ang China sa mga agresibong hakbang nito hangga’t nakikita nitong limitado ang kakayahan ng Pilipinas na ipatupad at protektahan ang mga karapatan nito sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) na kinikilala sa ilalim ng international law.

Ayon sa kanya, mahalagang ipagpatuloy ng pamahalaan ang modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines, Philippine Coast Guard at iba pang ahensyang panseguridad upang mapalakas ang maritime security ng bansa.

Bagama’t mahalaga ang diplomasya at legal na hakbang, sinabi niyang kailangan ding magkaroon ng mas matatag na kakayahang militar upang maprotektahan ang teritoryo at yamang-dagat ng Pilipinas.

--Ads--

Gayunman, inamin ni Yusingco na nangangailangan ito ng malaking pondo at maaaring mangahulugan ng mas malaking alokasyon sa defense modernization.

Aniya, nasa mga botante rin ang mahalagang papel sa pagpili ng mga lider na may malinaw na plano at kakayahan na pangalagaan ang pambansang interes at seguridad.

Aniya, ang usapin sa West Philippine Sea ay hindi lamang tungkol sa teritoryo kundi pati na rin sa soberanya, seguridad, at kinabukasan ng bansa.