Itinulak nina House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos at House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang isang panukala na magbabawal sa mga distribution utility na ipasa sa kanilang mga kustomer ang gastos mula sa ninakaw na kuryente at iba pang pagkawala ng kuryente na dulot ng kapabayaan at kahinaan sa kanilang operasyon.
Ayon kay Marcos, layunin ng Systems Loss Charge Abolition Act o House Bill 10430 na maprotektahan ang mga konsumer laban sa mga singil na nagmumula sa mga sitwasyong nasa kontrol ng mga distribution utility, habang pinahihintulutan pa rin ang pagbawi ng mga lehitimong gastusin na kinakailangan upang mapanatili ang maayos na serbisyo ng kuryente.
Sinabi ni Marcos na nais nilang tiyakin na ang mga konsumer ay nagbabayad lamang para sa episyenteng serbisyo at hindi para sa pagnanakaw ng kuryente, kapabayaan, o mga pagkukulang sa operasyon na hindi nila kasalanan.
Sa ilalim ng HB 10430, hindi na maaaring isama sa wheeling charges, supply charges, metering charges, universal charges, subsidies, at iba pang bayarin sa buwanang electric bill ang mga hindi pinapayagang system losses.
Nilinaw ni Marcos na hindi layunin ng panukala na ipagkait sa mga utility ang pagbawi ng mga makatwiran at kinakailangang gastusin, subalit ang mga pagkaluging dulot ng mga problemang kaya nilang kontrolin ay hindi na dapat ipasa sa mga konsumer.
Ang Energy Regulatory Commission (ERC) ang magtatakda kung anong limitadong bahagi ng pagkawala ng kuryente sa normal na operasyon ng distribution network ang maaaring mabawi bilang bahagi ng distribution wheeling charge.
Hindi na rin maaaring ipasa sa mga nagbabayad na kustomer ang mga gastos na dulot ng ilegal na paggamit ng kuryente, power theft, pagnanakaw o paninira sa mga electrical line, kagamitan, at materyales, gayundin ang mga pagkaluging bunga ng depektibong metro, kakulangan sa billing at collection, hindi sapat na maintenance, hindi episyenteng operasyon, at iba pang anyo ng kapabayaan ng distribution utility.
Mananatili naman ang karapatan ng mga distribution utility na mabawi ang mga makatwiran at kinakailangang gastusin upang mapanatili ang maaasahang serbisyo at kanilang financial viability.
Magtatakda rin ang regulator ng minimum efficiency standards para sa mga distribution utility, kabilang ang mga benchmark para sa dalas ng service interruptions at collection performance.









