--Ads--

Kinumpirma ng House Committee on Appropriations Vice Chairperson na si Rep. Jose Alvarez na walang nakalaang confidential funds sa panukalang P785 milyong budget ng Office of the Vice President (OVP) para sa taong 2027.

Sinabi ni Alvarez na wala ring isinumiteng kahilingan ang OVP para sa confidential funds sa ilalim ng kanilang panukalang budget para sa susunod na taon.

Ayon sa mambabatas, nasa pagpapasya ng Pangulo kung pagkakalooban ng confidential funds ang OVP, ngunit sa kasalukuyang panukala ay wala itong nakalaang pondo para rito.

Naganap ang pahayag matapos ang deliberasyon ng House Committee on Appropriations sa budget ng OVP kung saan humihiling ang tanggapan ng P785 milyong pondo para sa 2027.

--Ads--

Kaugnay nito, iminungkahi ni BH Party-list Rep. Robert Nazal na pagkalooban ng parliamentary courtesy ang OVP upang maaprubahan ang budget nito nang walang interpellation o pagtatanong, katulad ng ginawang pagtalakay sa budget ng Office of the President.

Gayunman, tinutulan ito ng ilang miyembro ng komite kabilang si ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio na iginiit na dapat masusing busisiin ang lahat ng panukalang budget bilang bahagi ng transparency at pananagutan sa paggamit ng pondo ng bayan.

Kalaunan ay isinantabi ni Nazal ang kanyang mosyon matapos pumayag ang OVP, sa pamamagitan ni Chief of Staff Zuleika Lopez, na sagutin ang mga tanong ng mga mambabatas kaugnay ng panukalang budget.

Matatandaan na ang paggamit ng confidential funds ng OVP at ng Department of Education noong kalihim pa rito si Vice President Sara Duterte ay kabilang sa mga usaping tinatalakay sa nagpapatuloy na impeachment trial laban sa kanya.