--Ads--

Kinukuwestiyon ng ilang studyante sa Barangay San Fernando, Alicia, Isabela ang naging proseso umano ng pagpili sa mga benepisyaryo ng “Bawat Barangay Makikinabang” scholarship program ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos umanong walang inilabas na abiso para sa aplikasyon sa kanilang barangay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Alyas “Jenny,” isa sa mga nagrereklamo, sinabi nitong marami umanong graduating students ang hindi nalaman ang tungkol sa naturang programa dahil walang inilabas na notice o post sa social media ng barangay hinggil sa aplikasyon.

Ayon kay Alyas “Jenny”, nalaman lamang niya noong Agosto 21 na may napili nang mga benepisyaryo nang magtanong siya sa kanilang SK Chairman tungkol sa mga requirements para sa scholarship.

Nang tanungin umano niya kung paano nagkaroon ng mga napili gayong walang isinagawang aplikasyon, sinabi umanong hindi rin nito alam ang proseso at ibinigay na lamang sa kanya ang Facebook account ng kanilang punong barangay upang doon magtanong.

--Ads--

Ani ni Alyas “Jenny”, minessage niya umano ang kaning punong barangay noong araw ding iyon ngunit bagamat na-accept ang kanyang message request ay wala umano itong natanggap na tugon.

Dahil dito, kinuwestiyon niya kung paano napili ang mga benepisyaryo at kung naging patas ba ang proseso para sa iba pang graduating students na nangangailangan din ng scholarship.

Ilan din umano sa mga napili ang kinuwestiyon ng mga nagrereklamo dahil sa kanilang sinasabing kalagayan sa buhay.

Isa umano rito ay may magulang na OFW, habang ang isa naman ay nakapagsagawa umano ng magarbong debut. Mayroon din umanong sariling four-wheel vehicle ang pamilya ng isa sa mga napili.

Nais lamang umanong malaman ng mga nagrereklamo kung ano ang naging proseso at batayan sa pagpili ng mga benepisyaryo upang maging malinaw at transparent ito sa publiko.