--Ads--

Inihayag ng isang eksperto sa Constitutional Law na maaaring magkapareho ang mga testigo ng prosekusyon at depensa sa impeachment trial. Ito ay dahil ipinapalagay na ang kanilang mga pahayag ay maaaring pabor sa panig ng prosekusyon, kaya’t inaasahang gagamit ang depensa ng mga leading questions upang masuri at kuwestiyunin ang kanilang testimonya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Domingo Cayosa, ipinaliwanag nito na bagama’t posible ang ganitong estratehiya, maituturing itong isang “risky move,” lalo na kung ang isang testigo ay ituturing na hostile witness o saksi na maaaring hindi kontrolado ang magiging direksyon ng kanyang mga sagot. Ayon sa kanya, kung ang testigo ay bihasa at maalam sa kanyang mga sinasabi sa ilalim ng paglilitis, maaaring maging mas mahirap para sa alinmang panig na manipulahin o paikutin ang kanyang testimonya.

Dagdag pa ni Cayosa, nasa yugto pa lamang ng pre-trial ang impeachment process, ngunit malinaw na parehong kampo ay maaaring may ideya na ang naturang paglilitis ay hindi lamang usaping legal kundi may malakas ding aspeto na politikal. Dahil dito, mahalaga ang pre-trial upang matukoy ang kahandaan ng magkabilang panig sa mga ebidensyang ilalatag at sa mga posisyong kanilang paninindigan sa aktwal na paglilitis.

Sa kabila ng panganib na kaakibat nito, sinabi ng eksperto na maaari pa ring magbago ang takbo ng impeachment trial depende sa magiging sagot ng mga testigong ituturing na hostile witness. Posibleng mapalakas nito ang depensa o kaya naman ay mapahina ang kaso ng prosekusyon, depende sa kung paano uunlad ang testimonya sa loob ng korte.

--Ads--