--Ads--

Isinusulong ng Sangguniang Panlungsod ng Cauayan City ang isang ordinansa na magpapataw ng parusa sa mga kontratistang hindi nakatutupad sa itinakdang timeframe ng kanilang mga proyekto upang mabawasan ang abalang dulot ng mga naaantalang infrastructure project sa lungsod.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sangguniang Panlungsod Member Paolo Eleazar “Miko” Delmendo, sinabi nitong nakatanggap na ang kanilang tanggapan ng mga reklamo mula sa mga residente kaugnay ng matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko na dulot ng nagpapatuloy na road construction sa Barangay Labinab.

Ayon sa opisyal, nagiging dahilan ito ng pagkaantala sa pagpasok ng mga estudyante at manggagawa, gayundin ng matinding abala sa mga motorista at iba pang gumagamit ng kalsada.

‎Ipinaliwanag ni SP Delmendo na hindi lamang ang proyekto sa Barangay Labinab ang saklaw ng panukalang ordinansa kundi ang lahat ng infrastructure project sa buong Cauayan City.

Aniya, layunin nitong papanagutin ang mga contractor na hindi nakatutupad sa itinakdang completion timeframe ng kanilang proyekto, lalo na kung wala silang maipapakitang makatwirang dahilan sa pagkaantala nito.

‎Dagdag pa ng konsehal, kabilang sa mga maaaring ipataw na kaparusahan ang pagba-blacklist sa mga contractor upang hindi na sila makalahok o makakuha ng mga susunod na proyekto ng pamahalaang lungsod kung mapatutunayang nabigo silang tuparin ang kanilang obligasyon sa loob ng itinakdang panahon.

‎Sa kasalukuyan, sumasailalim pa sa ikalawang pagbasa ang panukalang ordinansa.

Ayon kay SP Member Delmendo, patuloy pa itong pag-aaralan at maaaring lagyan ng mga karagdagang probisyon upang higit na mapalakas ang umiiral na mga pambansang batas at matiyak ang pananagutan ng mga kontratistang nagdudulot ng hindi kinakailangang pagkaantala at abala sa publiko.

--Ads--