Limang exhibition games ang isasagawa ng Philippine Basketball Association o PBA sa ilang bahagi ng Luzon ngayong Setyembre habang naka-hiatus ang Governors’ Cup dahil sa international duties ng Gilas Pilipinas.
Kabilang sa mga magiging venue ang Bulacan, Isabela, Batangas at Ilocos Sur, na magsisilbi ring paghahanda ng mga koponan bago ang nakatakdang pagbabalik ng Governors’ Cup sa Oktubre 7.
Magsisimula ang serye sa Setyembre 9 sa San Jose del Monte, Bulacan, kung saan maghaharap ang NLEX at Blackwater.
Susundan ito ng dalawang laro sa Isabela. Sa Ilagan, magtutuos ang San Miguel Beer at Phoenix sa Setyembre 12, habang maghaharap naman ang Meralco at Converge sa Santiago City sa Setyembre 13.
Dahil exhibition games lamang ang mga naturang laban, pinapayagan ang mga koponan na gamitin ang kanilang mga practice player.











