Sa kabila ng dalawang buwan lamang na paghahanda at matinding pressure bago ang pagsusulit, nakamit ng Saint Louis University graduate at tubong Cauayan City na si Kris Tumbaga Guyong ang Rank 7 sa katatapos na 2026 Philippine Nurses Licensure Examination (PNLE) matapos magtala ng 91.00 porsiyentong rating.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Guyong na hindi naging madali ang kanyang paghahanda matapos ilipat ng Professional Regulation Commission (PRC) ang karaniwang Nobyembreng pagsusulit sa buwan ng Agosto.
Ayon sa kanya, nagulat sila sa pagbabago ng iskedyul dahil kasisimula pa lamang nilang asikasuhin ang kanilang pagtatapos nang kailangan na agad maghanda para sa licensure examination. Dahil dito, dalawang buwan lamang ang naging panahon nila para mag-review.
Inamin ni Guyong na nakaranas siya ng matinding pressure at maraming pagdududa bago ang pagsusulit, lalo na dahil sa mataas na inaasahan ng mga tao sa kanyang paligid matapos siyang magtapos bilang Magna Cum Laude.
Gayunman, sa halip na magpadala sa pressure, pinili niyang magpokus sa paghahanda at kumapit sa kanyang pananampalataya. Aniya, ilang buwan niya ring ipinagdasal na makapasa at mapabilang sa mga topnotcher ng Nurse Licensure Examination.
Nag-review si Guyong sa Baguio City kung saan hinarap niya ang malamig na panahon at malalakas na pag-ulan habang naghahanda para sa board exam. Dahil sa hirap ng sitwasyon, dumating pa umano sa puntong nais na niyang sumuko kaya agad siyang sinamahan ng kanyang kuya matapos niyang ipaalam sa kanyang pamilya ang kanyang nararamdaman.
Ayon kay Guyong, malaking tulong ang suporta ng kanyang pamilya upang malampasan ang pagod, pressure at pangamba habang naghahanda para sa pagsusulit.
Matapos naman ang board examination, sinabi niyang isa sa mga una niyang ginawa ay ang magpahinga at huwag nang isipin muna ang naging resulta ng pagsusulit habang hinihintay ang paglabas ng opisyal na resulta.
Si Guyong ay residente ng Barangay Rogus, Cauayan City, at nagtapos bilang Magna Cum Laude sa Saint Louis University.
Bilang payo sa mga susunod na kukuha ng licensure examination, sinabi ni Guyong na mahalagang magtiwala sa sariling kakayahan, maging disiplinado sa pagre-review, at huwag hayaang madaig ng takot at pressure ang kanilang mga pangarap.
Aniya, normal lamang ang makaranas ng pagod, kaba at pagdududa, ngunit mahalagang magpatuloy at maniwala sa bunga ng pagsisikap at sakripisyong inilaan para sa kanilang mga layunin.
Hinimok din niya ang mga aspiring nurses na samahan ng panalangin ang kanilang paghahanda at huwag matakot humingi ng suporta mula sa kanilang pamilya, mga kaibigan at iba pang taong naniniwala sa kanilang kakayahan.











