Magdaraos ng Government Service Caravan at Job Fair ang Public Employment Service Office (PESO) Isabela sa Capital Arena, Alibagu, City of Ilagan sa Hulyo 30, 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PESO Isabela Manager Cecilia Claire Reyes, sinabi niyang mahigit 1,000 trabaho ang nakatakdang ialok ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at pribadong kumpanya sa naturang job fair.
Ayon kay Reyes, mahigit 500 local applicants at 400 overseas applicants na ang nakapagparehistro online para sa aktibidad.
Bagama’t tatanggapin ang mga walk-in applicant na may kumpletong requirements, bibigyang-prayoridad ang mga naunang nagparehistro.
Karamihan sa mga bakanteng posisyon ay mula sa service industry, kabilang ang restaurants, hotels, BPO, sales, at ilang proyektong pangkaunlaran ng pamahalaan na nangangailangan ng mga skilled worker.
Tiniyak din ng PESO Isabela na may mga trabahong naghihintay sa mga bagong graduate ng Senior High School.
Magsisimula ang Job Fair sa alas-8 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon kaya hinikayat niya ang mga job seekers na samantalahin ang nasabing job fair upang makahanap na ng trabaho.
Maliban sa job fair, magsasagawa rin ang ibat-ibang ahensya ng pamahalaan ng service caravan upang mailapit sa publiko ang mga serbisyo.











