Nagbabala ang Philippine Space Agency (PhilSA) nitong Linggo sa posibleng pagbagsak ng debris mula sa rocket na inilunsad ng China sa katubigan malapit sa Puerto Princesa City, Palawan.
Ayon sa PhilSA, inilunsad ang Long March 12 rocket mula sa Hainan International Commercial Launch Center sa Wenchang, Hainan dakong 12:10 ng tanghali, oras sa Pilipinas.
May dalawang posibleng drop zone ang rocket debris, kabilang ang tinatayang 25 nautical miles mula sa Puerto Princesa at 19 nautical miles mula sa Tubbataha Reefs Natural Park.
Muling pinaalalahanan ng ahensya ang publiko na agad ipagbigay-alam sa mga lokal na awtoridad kung makakakita ng hinihinalang rocket debris.
“PhilSA also cautions against retrieving or coming in close contact with these materials that may contain remnants of toxic substances such as rocket fuel,” dagdag pa nito.





