Tinalakay ng Pilipinas at China ang kanilang bilateral relations at mga usaping pandagat sa isang pag-uusap sa telepono na kapwa inilarawan bilang “frank and constructive,” ayon sa Department of Foreign Affairs o DFA.
Sa pahayag ni DFA Secretary Ma. Theresa Lazaro, nakipag-usap siya nitong Martes, Nobyembre 3, kay Chinese Foreign Minister Wang Yi upang talakayin ang kahalagahan ng pagpapatuloy ng diplomatic dialogue at maayos na paghawak sa mga hindi pagkakaunawaan ng dalawang bansa.
Binigyang-diin ni Lazaro na kailangang nakabatay sa mutual respect ang pagharap sa kanilang mga pagkakaiba.
Gayunman, sa hiwalay na pahayag ng Chinese Foreign Ministry, sinabi ni Wang na nahaharap umano sa “malicious interference” ang relasyon ng Pilipinas at China.
Inakusahan din niya ang ilang Pilipinong politiko ng pag-atake sa China, pamumulitika sa bilateral relations at pagtawid sa tinawag niyang “red lines” ng Beijing.
Dahil dito, hinimok ni Wang ang Pilipinas na maging maingat sa mga pahayag at hakbang nito kaugnay ng maritime issues.
Samantala, ayon sa Chinese Foreign Ministry, iginiit ni Lazaro ang kahalagahan ng relasyon ng Pilipinas sa China at ang hangarin nitong mapanatiling matatag at predictable ang ugnayan ng dalawang bansa.
Sinabi rin umano ng kalihim na nananatiling nakatuon ang Pilipinas sa one-China policy at bukas sa pagtalakay ng maritime issues sa pamamagitan ng dialogue at consultation.
Ayon pa sa China, nagkasundo ang dalawang panig na ipagpatuloy ang diplomatic dialogue at responsableng pamahalaan ang kanilang mga hindi pagkakaunawaan.
Napag-usapan din nina Lazaro at Wang ang nalalapit na East Asia Cooperation Leaders’ Meeting na gaganapin sa Pilipinas at ang APEC Leaders’ Meeting sa Shenzhen.





