--Ads--

Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad kung saan nagmula at paano napunta sa kanal ang hinihinalang rifle grenade na sumabog at ikinasawi ng apat na katao, kabilang ang isang 85-anyos na lola at tatlong bata, nitong Oktubre 4 sa Purok Raniag, Barangay Sinamar, Roxas, Isabela.

Naganap ang pagsabog dakong alas-9:00 ng umaga habang naglalaro umano ang ilang bata sa lugar at napulot ang hinihinalang pampasabog sa isang kanal.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Scarlette Topinio, spokesperson ng Isabela Police Provincial Office, sinabi niyang ayon sa paunang imbestigasyon ng Roxas Municipal Police Station, pinupukpok umano ng isa sa mga bata ang naturang bagay sa isang bato nang bigla itong sumabog.

Kinilala ang nasawing lola na si Gloria Jabonitalla, habang tatlo namang menor de edad ang kabilang sa mga nasawi. Sugatan din ang apat pang menor de edad na agad na isinugod sa pagamutan at nasa maayos nang kondisyon.

--Ads--

Batay naman sa mga saksi, papunta sana sa simbahan si Jabonitalla nang madamay sa pagsabog.

Agad na nagsagawa ng imbestigasyon ang Roxas Municipal Police Station, habang nagsagawa ng scene processing ang Roxas-Mallig Plains Satellite Forensic Office at post-blast investigation ang Provincial EOD and Canine Unit.

Nakipag-ugnayan na rin ang Women and Children Protection Desk sa Municipal Social Welfare and Development Office ng Roxas upang mabigyan ng kaukulang tulong ang mga biktima at kanilang mga pamilya.

Paalala ng mga awtoridad, huwag pulutin, hawakan, galawin o pukpukin ang anumang bagay na pinaghihinalaang pampasabog. Agad na lumayo sa lugar at ipagbigay-alam ito sa pulisya o sa pinakamalapit na awtoridad upang ligtas itong masuri at maaksiyunan.