Pinaiimbestigahan na ng Cauayan Parole and Probation Office ang ulat hinggil sa mga indibidwal na nagpapakilalang middleman at naniningil sa mga aplikante ng probation kapalit ng pangakong sila na ang bahala sa pagproseso ng kanilang aplikasyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Pedro Almeda Jr., Chief ng Cauayan Parole and Probation Office, sinabi nitong nakarating sa kanilang tanggapan ang impormasyon hinggil sa naturang modus.
Ayon kay Almeda, hinihingian umano ng bayad ang ilang aplikante kapalit ng mabilis na pag-asikaso ng kanilang aplikasyon para sa probation.
Binigyang-diin niyang walang bayad ang aplikasyon para sa probation, kaya walang dahilan ang mga aplikante na maglabas ng pera para lamang maproseso ang kanilang mga dokumento.
Kaugnay nito, inaalam na ng mga kinauukulan kung sino ang nasa likod ng naturang gawain at kung may iba pang aplikanteng nabiktima.
Hinikayat naman ni Almeda ang mga aplikante na huwag makipagtransaksyon sa mga hindi awtorisadong tao at agad ireport sa kanilang tanggapan ang anumang paghingi ng bayad kapalit ng pagproseso ng aplikasyon.











