Loose brake o problema sa preno ang isa sa mga nakikitang dahilan ng pulisya sa pagkahulog sa bangin ng isang Elf truck na ikinasawi ng anim na katao at ikinasugat ng 17 iba pa sa Talubin-Barlig Road, Sitio Jakap, Barangay Talubin, Bontoc, Mountain Province nitong Setyembre 15.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Peter Apangcay, Information Officer ng Mountain Province Police Provincial Office, sinabi niyang lumalabas sa kanilang paunang imbestigasyon na walang road barrier sa bahagi ng kalsada kung saan nahulog ang sasakyan.
Ayon kay PCapt. Apangcay, sinabi rin umano ng driver na nawalan ito ng preno habang pababa sa naturang bahagi ng kalsada. Tugma rin umano ito sa kanilang nakita sa pinangyarihan dahil walang skid marks na nakita sa kalsada bago nahulog ang Elf truck.
Pababa at kurbado ang naturang bahagi ng daan at tinatayang nasa 50 hanggang 100 metro ang lalim ng bangin. Sa kabila nito, hindi naman bumaliktad ang sasakyan at gumulong lamang pababa, dahilan upang tumilapon ang ilan sa mga sakay.
Samantala, apat na babae, isang lalaki at isang limang-buwang gulang na sanggol na lalaki ang kabilang sa anim na nasawi.
Karamihan naman umano sa mga biktima ay mga menor de edad.
Batay imbestigasyon pa ng pulisya, 23 katao ang sakay ng Elf truck na pawang residente ng Bakun, Benguet. Ayon kay PCapt. Apangcay, karamihan sa mga ito ay magkakamag-anak, batay sa kanilang magkakatulad na apelyido at iisang barangay na pinanggalingan.
Aniya, galing umano ang grupo sa Isabela matapos dumalo sa isang kasal at pauwi na sa Bakun nang piliing dumaan sa Paracelis at Bontoc, Mountain Province.
Sa 17 sugatan, 15 ang nananatili sa ospital at stable naman ang kanilang kondisyon, habang dalawa ang pinauwi matapos ang medical assessment dahil sa mga galos at minor injuries.
Samantala, gumamit ng mga lubid ang mga rescuer upang maiakyat mula sa bangin patungo sa kalsada ang mga biktima. Sinabi ni PCapt. Apangcay, ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakapagtala ng ganitong insidente sa naturang lugar.
Dahil dito, pinaalalahanan ang mga motorista na magdoble-ingat sa pagdaan sa mga kalsada sa Mountain Province, partikular na ang mga hindi pamilyar sa lugar, dahil makikitid, pababa at kurbado ang ilang bahagi ng mga daanan.











