Nagtala ng dalawang Guinness World Records ang isang competitive gardener mula sa United Kingdom matapos magpalaki ng higanteng elephant garlic at snow pea sa kanyang taniman ngayong tag-init.
Kinilala si Graham Barratt ng Gloucestershire, England matapos timbangin ang kanyang elephant garlic sa Wargrave Nursery Plant Center sa Berkshire noong Hunyo 25. Umabot sa 3 libra at 13.7 onsa ang timbang ng bawang na may diyametrong 7.5 pulgada.
Dahil sa laki nito, opisyal na itinanghal ang ani ni Barratt bilang pinakamabigat na elephant garlic sa buong mundo ayon sa Guinness World Records.
Hindi lamang ito ang rekord na kanyang nakamit sa araw na iyon. Kinilala rin ang kanyang Swedish heirloom snow pea na tumimbang ng 0.98 onsa bilang pinakamabigat na snow pea sa mundo.
Bago ang mga bagong tagumpay na ito, nakapagtala na rin si Barratt ng apat na world records mula sa kanyang ani noong 2025, kabilang ang pinakamabigat na luffa na may timbang na 6 na libra at 3.5 onsa at pinakamahabang pea pod na may sukat na 7 pulgada.











