Pormal nang pinasinayaan sa isang maliit na nayon sa Poland ang napakalaking estatwa ng Birheng Maria na pinaniniwalaang pinakamataas sa buong Europa.
Dinaluhan ng dating anti-communist leader ng Poland na si Lech Walesa ang seremonya ng pagbabasbas sa monumento na may taas na 55.6 metro o 182 talampakan at matatagpuan sa nayon ng Konotopie sa gitnang bahagi ng bansa.
Daan-daang katao ang nakiisa sa okasyon kung saan nagpalipad pa ng mga maliliit na pulang rosas mula sa mga helicopter habang nagsagawa ng misa ang mga pari at nagtanghal naman ng mga tradisyunal na awitin at sayaw ang kilalang grupong Mazowsze folk ensemble.
Mas mataas ang naturang estatwa kumpara sa tanyag na Christ the Redeemer sa Brazil na may taas na humigit-kumulang 38 metro kabilang ang pedestal nito. Kasama sa kabuuang taas ng monumento sa Poland ang 15 metrong pedestal na hugis korona.
Nalampasan din nito ang Christ the King statue sa bayan ng Swiebodzin sa kanlurang Poland na may kabuuang taas na nasa 52 metro at pinasinayaan noong 2010.









