Opisyal nang kinilala ng Guinness World Records ang isang alagang manok sa Portland, Maine bilang pinakamatandang manok na buhay sa buong mundo.
Ang naturang manok na si Gertie, isang Golden Sebright, ay umabot na sa edad na 15 taon at 100 araw.
Si Frank Turek ang nag-alaga kay Gertie mula pa noong 2010, nang ito’y bagong pisa pa lamang. Ayon kay Turek, agad na namukod-tangi ang makintab na balahibo ni Gertie at naging “pinaka-photogenic” sa kanyang kawan. Bagama’t maliit na lahi, si Gertie ang naging lider ng kanilang grupo ng mga manok.
Ilang taon na ang nakalipas nang magsimulang lumabo ang paningin ni Gertie, kaya’t inilipat siya ni Turek sa isang pribadong kulungan sa loob ng bahay noong 2024 upang maiwasan ang alitan sa mas batang mga manok. Sa kabila nito, masaya raw si Gertie sa kanyang bagong buhay at mahilig pa ring makipag-“usap” sa mga tao sa pamamagitan ng kanyang malambing na tunog.
Sa edad na 15 taon at 100 araw, nalampasan ni Gertie ang dating rekord na hawak ng isang manok mula Texas na si Pearl. Inaasahang ipagdiriwang ni Gertie ang kanyang ika-16 na kaarawan sa darating na Hulyo.











