Sumadsad sa record low ang piso laban sa US dollar, dahilan upang maging pinakamahinang currency sa Asya nitong nakaraang linggo.
Ayon sa MUFG Bank, patuloy na naiipit ang piso dahil sa lumalalang external account ng bansa, kabilang ang tumataas na gastos sa energy imports at lumalawak na trade deficit.
Nagsara ang piso sa ₱62.265 kada dolyar noong Agosto 28, mas mababa sa dating record low na ₱61.888 na naitala isang araw bago nito. Umabot naman sa ₱62.27 ang pinakamababang intraday level nito.
Sinabi ng MUFG na bumaba ng 1% ang piso nitong nakaraang linggo at 5.8% na ngayong taon. Kabilang sa mga dahilan ang pagtaas ng imports na nagpalobo sa trade deficit sa tinatayang $6 bilyon noong Hulyo.
Ayon pa sa MUFG, maaaring magpatupad ng karagdagang rate hike ang Bangko Sentral ng Pilipinas, bagama’t posibleng mas mabagal ang paghihigpit sa monetary policy.








