--Ads--

Bumagsak sa panibagong record-low na P64 kada dolyar ang halaga ng piso sa intraday trading nitong Martes, Oktubre 27.

Batay sa datos ng Bankers Association of the Philippines, nagbukas ang piso sa P63.95 kada dolyar bago umabot sa P64 bandang alas-11:05 kaninang umaga.

Nagsara naman ang lokal na pera sa dating record-low na P63.95 kada dolyar nitong Lunes.

Ayon kay Will Cabangon, pangulo ng stock brokerage firm na AAA Securities, maaaring makinabang sa paghina ng piso ang mga kumpanyang kumikita nang malaki sa dolyar dahil mas mataas ang katumbas nitong halaga kapag ipinapalit sa piso.

--Ads--

Samantala, pinayuhan niya ang mga mamumuhunan na bantayan ang mga oportunidad na makabili ng shares sa mga kumpanyang may matatag na negosyo, kabilang ang mga nasa sektor ng utilities.

Inaasahan din niyang maaaring makabawi ang mga kumpanyang ito kapag humupa na ang pagtaas ng interest rates, lalo na kung magpasya ang Bangko Sentral ng Pilipinas na pabagalin o ihinto ang mga susunod na pagtataas ng interest rates.