--Ads--

Minaliit ng transport group na PISTON ang ipapatupad na dagdag sa pasahe sa mga pampublikong transportasyon.

Sa ilalim na inaprubahang taas pasahe na magiging P14 na ang minimum fare mula sa dating P13 sa unang apat na kilometro na may dagdag na P2 sa kada kilometro.

Habang sa mga modern jeepneys ang minimum fare ay magiging P17 na mula sa P15 na may dagdag na P2.40 sa kada kilometro.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Mody Floranda, presidente ng PISTON, sinabi niya na maliit ang pisong itinaas kung ikukumpara sa laki ng itinaas sa presyo ng petrolyo mula noong Pebrero.

--Ads--

Aniya kung susumahin, nasa higit P50 na ang itinaas ng presyo ng produktong petrolyo at ang nawawalang kita ng mga tsuper at operator ay nasa P1,000 kada araw na kanilang pagpapasada.

Malabo aniyang maibsan ang pasanin ng sektor ng transportasyon sa ganito kaliit na taas pasahe.

Mas mabuti aniyang tinanggap ng pamahalaan ang rekomendasyon nilang P10 ang itaas na pasahe at kasabay nito ay maitaas din sa P1200 ang arawang sahod ng mga manggagawa upang makaagapay sa tumataas na presyo ng bilihin at iba pang pangangailangan ng bawat pamilyang Pilipino.

Dahil hindi napagbigyan ang kanilang hiling ay ipagpapatuloy ng transport groups ang kilos-protesta o pagwelga sa Sept. 29-30.