--Ads--

Pneumonia ang isa sa mga karaniwang karamdaman sa ilang katutubong komunidad sa Isabela na madalas umanong nagsisimula sa simpleng ubo at sipon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Scarlet Gumangan, Nurse II ng NCIP Cauayan Community Service Center, sinabi niyang may mga pagkakataong napapabayaan ang mga unang sintomas hanggang sa lumala ang kondisyon.

Partikular umanong dapat tutukan ang mga bata dahil mas vulnerable ang mga ito sa respiratory illnesses.

Ayon kay Gumangan, mahalaga ang maagang pagkilala sa sintomas at agarang pagpapagamot upang maiwasan ang paglala ng kondisyon.

--Ads--

Patuloy din umano ang health education sa mga pamilya tungkol sa kahalagahan ng vaccination, early management ng sintomas at wastong pangangalaga sa mga bata.

Tinututukan din umano ang mga batang hindi pa kumpleto ang bakuna, gayundin ang wastong nutrisyon ng mga pamilya, lalo na sa mga komunidad na limitado ang pinagkukunan ng pagkain.

Bagamat may ilang residente umanong gumagamit ng tradisyonal na gamot, lumalapit pa rin sila sa mga health facility kapag lumalala na ang kondisyon.

Umaasa naman ang NCIP sa patuloy na suporta ng mga kinauukulang ahensya upang mapalakas ang serbisyong pangkalusugan at mas maagang mabigyan ng atensyong medikal ang mga may karamdaman, lalo na ang mga bata.