Masusing iniimbestigahan na ng pulisya ang pamamaril sa isang tricycle driver na pinaslang sa Barangay Nungnungan II, Cauayan City, nitong Marso 13.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Col. Avelino Canceran Jr., hepe ng Cauayan City Police Station, sinabi nito na base sa kanilang inisyal na imbestigasyon ay may tumawag umano sa biktima at nagpasundo rito sa nasabing barangay.
Ayon sa opisyal, bilang isang tricycle driver ay pinuntahan ng biktima ang lugar upang sunduin ang tumawag sa kaniya, subalit nang makarating ito sa naturang barangay ay doon na umano naganap ang pamamaril na naging sanhi ng kaniyang agarang pagkamatay.
Sinabi pa ni Plt.Col. Canceran na sa oras na nakatanggap ng impormasyon ang pulisya hinggil sa insidente ay agad silang nagsagawa ng police response, siniguro ang crime scene, at nagsimula ng inisyal na imbestigasyon upang mapangalagaan ang mga posibleng ebidensya at makalikom ng mahahalagang impormasyon ukol sa krimen.
Dagdag pa ng opisyal, kabilang sa kanilang mga hakbang ang pakikipag-ugnayan sa mga residente sa lugar at pangangalap ng mga pahayag mula sa mga maaaring makapagbigay-linaw sa pagkakakilanlan ng suspek at sa motibo sa pamamaril.
Samantala, tiniyak naman ng Cauayan City Police Station na nagpapatuloy ang kanilang masusing imbestigasyon sa kaso at ginagawa ang lahat ng kaukulang hakbang upang mapanagot ang suspek sa pamamaril.










