--Ads--

Posibleng legal na proseso ang haharapin ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa sakaling maglabas ng warrant of arrest ang International Criminal Court o ICC kaugnay ng imbestigasyon sa war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa panayam kay Atty. Randy Arreola, sinabi niyang mahalagang masunod ang umiiral na batas sa Pilipinas, partikular ang Republic Act No. 9851 o Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity.

Ayon kay Atty. Arreola nakasaad sa Section 18 ng naturang batas na ang mga kasong crimes against humanity ay nasa hurisdiksyon ng mga lokal na korte, partikular ng Regional Trial Court. Gayunman, may kapangyarihan din umano ang executive branch, sa ilalim ng Section 17 ng parehong batas, na isuko o i-extradite ang isang akusado sa isang international court tulad ng ICC.

Ito rin umano ang naging batayan sa pagsuko kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ICC.

--Ads--

Ipinaliwanag din niya na sa ilalim ng Rome Statute, kinakailangan munang iharap sa local judicial authorities ang isang taong inaresto sa bisa ng warrant mula sa ICC upang matukoy kung legal ang pag-aresto at tama ang pagpapatupad ng warrant.

Sinabi ni Atty Arreola na kung sakaling magkaroon ng warrant laban kay Senator dela Rosa, maaari niya itong kuwestiyunin sa mga lokal na korte o maging sa Korte Suprema.

Tinanong din ang abogado hinggil sa posibilidad na magpasailalim si dela Rosa sa Senate custody upang maiwasan ang pag-aresto. Ayon sa kanya, bagama’t may probisyon na nagbibigay proteksyon sa mga senador habang may sesyon ang Senado, maaaring hindi ito umubra kung crimes against humanity ang kinahaharap na kaso.

Dagdag pa niya, may kapangyarihan ang Korte Suprema na suriin kung valid ang warrant at kung naaayon sa batas ang pag-aresto at posibleng pagsuko sa ICC.

Sa usapin naman ng pagiging “co-perpetrator,” sinabi ni Atty. Arreola na nangangahulugan itong maituturing na principal ang isang akusado at hindi lamang accessory o accomplice, kaya posibleng pareho ang bigat ng pananagutan nito sa pangunahing akusado.

Sa ngayon, wala pa namang opisyal na kumpirmasyon kaugnay ng sinasabing warrant laban kay Senator dela Rosa.