--Ads--

Ipagpapatuloy ng Philippine National Police (PNP) ang fact-finding review kaugnay ng mga ulat ng extrajudicial killings (EJKs) at iba pang kaugnay na insidente.

Kasunod ito ng direktiba ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na magsagawa ng masusing pagsusuri sa mga lumang operational reports, partikular noong panahong si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa ay nagsilbing Davao City Police Director.

Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., maglalabas ng subpoena ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) upang pormal na maimbitahan ang mga indibidwal na maaaring may kaugnayan sa mga insidente at makapagbigay ng impormasyon para sa imbestigasyon.

Kasama rin sa proseso ang Directorate for Investigation and Detective Management at PNP Legal Service upang matiyak na ang imbestigasyon ay naaayon sa batas, maayos ang koordinasyon, at nakabatay sa mga ebidensya.

--Ads--

Nilinaw ng PNP na ang mga ipalalabas na subpoena ay hindi katumbas ng arrest warrant, kundi isang legal na hakbang lamang upang makalap ang impormasyon at mas mapalinaw ang mga ulat na iniimbestigahan.