--Ads--

Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga responsable sa insidente ng pagkatay sa isang baka sa Reina Mercedes.

Kinatay ng hindi pa nakikilalang mga suspek ang isang buntis na bakang nakapastol sa Brgy. Dangan noong Mayo 14, kung saan halos buto na lamang ang natira rito matapos tangayin ang malaking bahagi ng laman nito. Iniwan din sa lugar ang ulo ng baka habang bahagya lamang itong inilayo at itinago mula sa mismong pastulan.

Dahil dito, muling nababahala ang mga nag-aalaga ng hayop sa lugar kasunod ng sunod-sunod na insidente ng umano’y pagnanakaw at pagkatay ng mga alagang baka sa kanilang bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Danilo Malab, Chief of Police ng Reina Mercedes Police Station, sinabi niyang nalaman na lamang nila ang insidente matapos kumalat sa social media ang viral video ng kinatay na baka kaya agad silang nagsagawa ng beripikasyon at imbestigasyon sa lugar.

--Ads--

Batay sa kanilang pagsisiyasat, ipinastol ng may-ari ang buntis na baka sa isang bakanteng pastulan at noong Mayo 13 ay pinainom pa niya ito ng tubig bago muling iniwan sa lugar.

Gayunman, kinabukasan ay nakatanggap na lamang siya ng impormasyon na kinatay na ang kanyang alagang baka. Pagdating sa lugar, tumambad sa kanya ang halos kalansay na lamang ng hayop dahil nakuha na ng mga suspek ang karamihan sa laman nito.

Ayon pa kay PMaj. Malab, posibleng binuhat lamang palabas ng mga suspek ang mga kinuhang parte ng baka dahil hindi naaabot ng sasakyan ang lugar na pinangyarihan ng insidente na tinatayang nasa isa hanggang dalawang kilometro ang layo mula sa highway.

Sa ngayon ay mayroon nang sinusundang lead ang pulisya at may natukoy na rin silang person of interest kaugnay sa naturang pagkatay sa baka habang nagpapatuloy ang kanilang mas malalim na imbestigasyon upang matukoy at maaresto ang mga responsable sa insidente.