--Ads--

Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) sa mga tauhan nito laban sa pagpo-post ng mga partisanong pahayag sa social media matapos ang umano’y post ng isang police corporal sa Caraga Region na kumukuwestiyon sa mga hakbang na amyendahan ang Konstitusyon.


Ayon kay PNP Public Information Office Chief PCol. Allen Rae Co, beripikado muna nilang susuriin kung tunay ngang pagmamay-ari ng naturang pulis ang social media account na naglabas ng kontrobersyal na pahayag.

Sinabi ni Co na kung mapatutunayang siya nga ang may-akda ng post, malinaw umano itong paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards ng PNP.

Binigyang-diin niya na bagama’t may sariling paniniwala at opinyong pampulitika ang mga pulis, hindi nila ito dapat ipahayag sa paraang makokompromiso ang pagiging neutral ng organisasyon.

--Ads--

Pinaalalahanan din niya ang mga pulis na sila ay tagapagpatupad ng batas at hindi tagagawa o tagapagpaliwanag nito.

Ayon sa PNP, posibleng masuri ang naturang post bilang isang uri ng political expression depende sa resulta ng beripikasyon at administratibong imbestigasyon.

Samantala, sinabi ni Co na maaaring maharap sa iba’t ibang administratibong parusa ang sinumang mapatunayang lumabag, kabilang ang reprimand, suspensyon, pagbabawas ng benepisyo, pagbaba ng ranggo o maging pagtanggal sa serbisyo, depende sa bigat ng paglabag.

Iginiit naman ng PNP na dapat manatiling apolitical, propesyonal at sumusunod sa etikal na pamantayan ang lahat ng miyembro ng organisasyon.