Pinaiigtingin ng Philippine National Police (PNP) ang seguridad sa lalawigan ng Tawi-Tawi upang mapigilan ang mga high-profile individuals na kadalasan umanong gumagamit ng “backdoor exits” upang makatakas at makaiwas sa pananagutan sa batas.
Sa isang pahayag nitong Miyerkules, sinabi ng PNP na inatasan ni Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang pulisya sa probinsya na palakasin ang presensya sa mga lugar na umano’y ginagamit na ruta ng pagtakas ng mga pugante palabas ng bansa.
Pinalakas na rin ang intelligence-gathering operations bilang bahagi ng mas mahigpit na security protocols, alinsunod sa direktiba ng pamahalaan na paigtingin ang inter-agency coordination sa mga pangunahing entry at exit points ng bansa.
Ayon naman kay Bureau of Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, nananatiling hamon ang pagbabantay sa Tawi-Tawi dahil sa geographical location nito bilang pinakatimog na lalawigan ng bansa na malapit sa Malaysia.
Ilan sa mga personalidad na napaulat na gumamit o posibleng gumamit ng naturang ruta ay sina dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, dating Negros Oriental Representative Arnolfo Teves Jr., at negosyanteng si Charlie Atong Ang na nahaharap sa mga kasong may kaugnayan sa pagkawala ng mga sabungero.
Patuloy naman ang koordinasyon ng mga awtoridad upang masawata ang paggamit sa mga hindi opisyal na ruta at matiyak na walang sinuman ang makatatakas sa batas.





