Iniutos ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Melencio Nartatez Jr. ang isang internal investigation kaugnay ng mga alegasyon na may mga pulis umanong nagsilbing escort sa isang itim na van na sinasabing ginamit ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa pag-alis nito sa Senado noong madaling araw ng May 14.
Ayon kay Nartatez, magkakahiwalay na beripikasyon ang isinasagawa upang matukoy kung may mga pulis na nagbigay ng hindi awtorisadong tulong. Kabilang sa mga susuriin ang logbooks, CCTV footage, at radio dispatch records ng umagang iyon.
Binigyang-diin ng PNP chief na mahalaga ang integridad ng institusyon at hindi sila dapat mag-operate nang walang malinaw na batayan.
Samantala, si dela Rosa ay umano’y may arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kasong may kinalaman sa dating Pangulong Rodrigo Duterte at sa umano’y “common plan” laban sa mga kriminal noong panahon ng war on drugs. Dating hepe ng Davao City Police si dela Rosa bago siya naging PNP chief noong administrasyon ni Duterte.
Matapos lumabas ang ulat tungkol sa warrant, pansamantalang hindi nagpakita ang senador at muling lumutang lamang sa Senado noong Lunes upang bumoto sa bagong liderato ng Mataas na Kapulungan.
Noong Mayo 14, iniulat na umalis si dela Rosa sa Senado bago magbukang-liwayway, sa gitna ng mahigpit na seguridad. Ayon sa mga video at logbook, may mga sasakyang umalis sa magkakaibang oras, kabilang ang puting Toyota Fortuner, isang sasakyang may PNP markings, at isang itim na van.
Kinumpirma naman ni Pasay City Police Chief Police Colonel Joselito De Sesto na siya ang sakay ng isang police mobile na lumabas sa Senado noong madaling-araw. Gayunman, nilinaw niya na hindi ito bahagi ng anumang convoy o operasyon na may kinalaman sa sinumang personalidad.
Ayon kay De Sesto, ang kanilang paglabas ay bahagi lamang ng hiwalay na operasyon ng pulisya at hindi nila sinundan ang itim na van. Dagdag pa niya, nagkataon lamang na magkasabay ang paglabas ng mga sasakyan.
Sinabi rin ng opisyal na walang koordinasyon o impormasyon ang kanilang hanay tungkol sa itim na van at sa mga sakay nito, at dumaan sila sa ibang ruta pabalik sa presinto.










